Ayon sa ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE, 2016) upang matiyak ang kaunlarang pang-ekonomiya ng bansa
kailangang iangat ang antas ng kalagayan ng mga manggagawang Pilipino tungo sa isang disenteng pagggwa (decent work) na
naglalayong na magkaroon ng pantay na oportunidad ang bawat isa anumang ang kasarian para sa isang disente at marangal na
paggawa.
Kalagayan ng mga Manggagawa sa iba’t ibang Sektor
Matutunghayan sa Talahanayan 2.2 ang distribusyon ng paggawa sa bawat sektor na kung saan ay nagpapakita na papaliit ang industriyal
at agrikultural na kumakatawan sa produktibong sektor habang papalaki ang nasa sektor ng serbisyo. Sa pangkalahatan, mas mura ang
mga dayuhan produkto na makikita sa mga lokal na pamilihan kumpara sa mga lokal na produkto ng bansa dahil sa mas mura at mababa
ang cost ng produksiyon sa mga pinanggalingang bansa ng mga naturang dayuhang produkto.
A. Sektor ng Agrikultura
Isa rin sa mga hamon ng globalisasyon sa bansa ay ang patuloy na pagdami ng mga lokal na produkto na iniluluwas sa ibang
bansa at ang pagdagsa ng mga dayuhang produkto sa pamilihang lokal.
Lubusang naaapektuhan ang mga lokal na magsasaka dahil sa mas murang naibebenta ang mga dayuhang produkto sa bansa. Mas
maraming insentibo ang naipagkakaloob sa mga dayuhang kompanya na nagluluwas ng kanilang parehong produkto sa bansa. Sa
kabilang banda, may mga lokal na high class product na saging, mangga at iba pa na itinatanim sa atin na nakalaan lamang para sa ibang
bansa.
Ang pagpasok ng bansa at ng mga nakalipas na administrasyon sa mga usapin at kasunduan sa GATT, WTO, IMF-WB, at iba
pang pandaigdigang institusyong pinansyal ay lalong nagpalumpo sa mga lokal na magsasaka bunsod ng pagpasok ng mga lokal na
produkto na naibebenta sa lokal na pamilihan ng mas mura kumpara sa mga lokal na produktong agricultural. Batay sa ulat ng DOLE
(2016), mahigit 60% ng mga dayuhang produktong agrikultural sa loob ng sampung taon (2006-2016) ay malayang nagiging bahagi sa
mga lokal na pamilihan.
Isa sa mga suliranin na kinakaharap ng mga lokal na magsasaka ay ang kakulangan para sa mga patubig, suporta ng
pamahalaan sa pagbibigay na ayuda lalo na kapag may mga nananalasang sakuna sa bansa tulad ng pagbagyo, tagtuyot, at iba pa.
Bunsod ng globalisasyon ang pamahalaan ay nagbigay pahintulot sa pagkonbert ng mga lupang sakahan upang patayuan ng mga
subdibisyon, malls, at iba pang gusaling pangkomersiyo para sa mga pabrika, pagawaan, at bagsakan ng mga produkto mula sa TNCs.
Ang paglaganap ng patakarang neo-liberal sa bansa simula dekada 80’s at sa pagpapalit-palit ng administrasyon hanggang kasalukuyan,
nagpatuloy rin ang paglaganap ng iba’t ibang industriya sa bansa. Kasabay nito ang patuloy na pagliit ng lupaing agrikultural at
pagkawasak ng mga kabundukan at kagubatan.
Nagbunga ang mga pangyayaring ito ang pagkasira ng mga biodiversity, pagkawasak ng mga kagubatan, kakulangan sa mga sakahan,
dumagsa ang mga nawalan ng hanapbuhay sa mga pook rural, nawasak ang mga mabubuting lupa na mainam sa taniman.
B. Sektor ng Industriya
Lubusan ding naaapektuhan ng pagpasok ng mga TNCs at iba pang dayuhang kompanya ay setor ng industriya bunsod din ng
mga naging kasunduan ng Pilipinas sa iba’t ibang pandaigdigang institusyong pinansyal. Katulad ng mga imposisyon ng IMF-WB bilang
isa sa mga kondisyon ng pagpapautang nila sa bansa. Pagbubukas ng pamilihan ng bansa, import liberalizations, tax incentives sa mga
TNCs, deregularisasyon sa mga polisiya ng estado, at pagsasapribado ng mga pampublikong serbisyo.
Isa sa mga halimbawa ng industriya na naapektuhan ng globalisasyon ay ang malayang pagpapasok ng mga kompanya at
mamumuhunan sa industriya ng konstruksiyon, telecommunikasyon, beverages, mining, at enerhiya na kung saan karamihan sa mga
kaugnay na industriya ay pagmamay-ari ng ibang bansa. Bunsod nito ang mga pamantayang pangkasanayan at kakayahan, pagpili,
pagtanggap, at pasahod sa mga manggagawa ay naayon sa kanilang mga pamantayan at polisiya. Kaakibat nito ang iba’t ibang anyo ng
pang-aabuso sa karapatan ng mga manggagawa tulad ng mahabang oras ng pagpasok sa trabaho, mababang pasahod, hindi pantay na
oportunidad sa pagpili ng mga empleyado, kawalan ng sapat na seguridad para sa mga manggagawa tulad sa mga minahan,
konstruksiyon, at planta na nagpoprodyus ng lakas elekrisidad na kung saan may mga manggagawa na naaaksidente o nasasawi.
C. Sektor ng Serbisyo
Matutunghayan sa Talahanayan 2.2 na ang sektor ng serbisyo ay masasabing may pinakamalaking bahagdan na maraming naempleyong
manggagawa sa loob ng nakalipas na sampung taon (DOLE, 2006-2016). Ang paglaki ng porsyento o bilang ng mga manggagawa sa
sektor na ito ay malaking tulong sa mga manggagawang Pilpino. Saklaw ng sektor na ito ang sektor ng pananalapi, komersiyo, insurance,
kalakalang pakyawan at pagtitingi, transportasyon, pag-iimbak, komunikasyon, libangan, medikal, turismo, business processing
outsourcing (BPO), at edukasyon.
Mahalaga ang sektor ng serbisyo sa daloy ng kalakalan ng bansa dahil tinitiyak nito na makakarating sa mga mamimili ang mga produkto
sa bansa. Kaalinsabay nito ang iba’t ibang suliranin, bunsod ng globalisasyon sa pamamagitan ng patakarang liberalisasyon ng
pamahalaan o ang pagpasok ng bansa sa mga dayuhan kasunduan na kung binubuksan ng malaya ang kalakalan ng bansa sa mga
dayuhang kompanya o TNCs kaya’t sa pagpasok ng mga produkto at serbisyo mulasa TNCs nalilimitahan ang bilang na kalakal at
serbisyo na gawa ng mga Pilipino sa pandaigdigan kalakalan.
Ayon sa datos ng National Economic Development Authority (NEDA) sa taong 2016 mahigit 56.3 bahagdan ng bilang ng mga
manggagawa sa bansa ay kabilang sa sektor ng serbisyo, kaya’t iminumungkahi ng kagawarang ito ang paglalaan ng pamahalaan ng higit
na prioridad sa pagpapalago ng sektor sa pamamagitan ng patuloy na pag-eenganyo sa mga dayuhang kompanya na magpasok ng mga
negosyo sa bansa dahil ayon na rin sa pagtataya sa 2016 Asia-Pacific Economic Cooperation Summit na naganap sa bansa na ang mga
manggagawang Pilipino sa sektor ng serbisyo ang patuloy na tumutulong sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.
Bunga ng isinagawang patataya ng APEC (2016) ay kinikilala ang Pilipinas bilang isa sa “emerging and developing countries” sa Asya
dahil sa pagyabong ng sektor ng serbisyo. Isa sa kinikilalang sanhi nito ay ang mababang pasahod sa mga manggagawang Pilipino,
malayang patakaran ng mga mamumuhunan, tax incentives. Ngunit kaakibat nito ang samu’t saring suliranin tulad ng over-worked, mga
sakit na nakukuha mula sa trabaho lalo na sa hanay ng mga mga manggagawa sa BPO dahil na rin sa hindi normal na oras ng
pagtatrabaho. Patuloy na pagbaba ng bahagdan ng bilang ng Small-Medium Enterpirses (SMEs) sa bansa dahil pinasok na rin ng mga
malalaking kompanya o supermalls ang maliliit o mikro-kompanyang ito sa kompetisyon na kung saan sila ay may kalamangan sa
logistics, puhunan, at resources (NEDA report, 2016).
Iskemang Subcontracting
Bunsod din ng globalisasyon mas naging mabilis ang pagdating ng mga dayuhang namumuhunan na mas pinatingkad naman ng
kumpetisyon sa hanay ng mga dayuhan at lokal na kompanya at korporasyon sa bansa. Dahil dito mas nahikayat ang mga