Pagsapit ng 1970, lalong tumitimbang ang progresibong oryentasyon ng Guild. Dumaluyong ang kilos protesta sa lansangan . Maraming manunulat pangkampus ang lumahok ang nagpakilos sa mga malakihang mobilisasyon sa panahon ng First Quarter Storm. Hindi iilang Guilders ang naging kasapi ng Kabataang Makabayan . Tumining ang papel ng pamamahayag pangkampus bilang alternatibong pamamahayag para sa mamamayan . Sa panahon ng paghahari ng crony press, maraming publikasyong pang- estudyante ang nagpapalaganap ng katotohanan sa labas ng kani-kanilang pamantasan . Ang kabulukan ng gobyernong Marcos na hindi nababasa sa mainstream ay isiniwalat ng mga pahayagang pangkampus . Dahil dito , binansagan ni Marcos na mosquito press ang mga publikasyon . Sa Visayas , inilathala ang mga sulatin ni Jose Maria Sison , Renato Constantino Sr., Gary Olivar ( lider ng Samahan ng Demokratikong Kabataan ) sa Weekly Silimanian ( Siliman University), Weekly Carolinian (University of San Carlos), Sambayanan (Western Institute of Technology), Quill (Southwestern University) at marami pang iba . Sa pagkakahalal ni Antonio Tagamolila bilang pambansang tagapangulo noong 1971, buong pagmamalaki niyang ipinahayag , “ Ang pagkakapanalo ng mga progresibo ay magbubunsod ng isang bago , mulat matatag at militanteng CEGP .” Tuluy-tuloy na ang naging pagkiling ng CEGP sa isyu ng mamamayan . Hindi lamang isyu ng kalayaan sa pamamahayag ang itinaguyod ng Guild bagkus pati patriyotiko at demokratikong interes ng malawak na mamamamayan . Kinondena ang pagpapapain ni Marcos ng mga sundalong Pilipino sa giyera sa Byetnam . Tinutulan ang pakanang Constitutional Convention ni Marcos. Nilabanan ang pandarahas sa mga piketlayn at militarisasyon sa kanayunan . Masigla ang paglulunsad ng teaching o study circles, social investigation at pakikipamuhay sa mga magsasaka at manggagawa . Sa ganitong konteksto , inangkin ng mga kasapi ng CEGP ang pakikibaka ng mga aping sector ng lipunan . Nang ipataw ang Batas Militar , idineklarang ilegal ang CEGP. Naipasara ang halos lahat ng publikasyon sa kampus . Sa militanteng paglaban ng kabataang estudyante , nabuksang muli ang Philippine Collegian, Guidon at UPLB Perspective (UP Los Baños ). Sumailalim ang mga ito sa pagmamatyag ng militar . Sa panahon ding ito , nagsulputan ang mga underground student publications sa buong bansa . Naging tangyag ang pasa-bilis . Palihim na binabasa at pinagpapasa-pasahan ang limitadong kopya ng mga publikasyong naka -mimeographed. Matapang na tinuligsa ng mga ito ang lagim ng Batas Militar . Maraming manunulat pangkampus ang dinampot , ikinulong , tinortyur at pinaslang . Kabilang sa kanila sina Liliosa Hilao at Ditto Sarmiento. Sa lantarang pasistang paghahari ni Marcos, marami ring nagtungo sa kanayunan upang lumahok sa armadong pakikibaka . Ilan sa kanila sina Emmanuel Lacaba ( Guidon ), Evelyn Pacheco (Torch, PNU) at Lorena Barros (Advocate, FEU.) Sa ikalawang bahagi ng dekada sitenta , muling sumigla ang ligal na pakikibakang masa sa pangunguna ng uring manggagawa . Pumutok ang La Tondeña strike na sinundan ng serye ng welga , boykot at protestang lansangan . Naging inspirasyon ito sa muling pagtatatag ng CEGP. Itinayo ang Mendiola Association of College Editors (MACE) na nagpasimuno ng First Metro Manila Student Press Congress. Sa sumunod na mga buwan , tumugon din nang buong sigasig ang ibang mga rehiyon sa buong kapuluan . Naganap ito mula 1977 hanggang mailunsad ang 16th National Congress na dinaluhan ng 125 patnugot mula sa 43 publikasyon noong Mayo 1981.