Panahon ng Renaissance
Ang Pag-usbong ng Renaissance
Sa pagtatapos ng Gitnang Panahon o Middle Ages, maraming namatay sa Europa sanhi ng Black Death at mga
digmaan. Dahil dito, marami sa mga mamamayan ang nagsimulang mawalan ng tiwala sa Simbahan.
Kinuwestyon din nila ang mga umiiral na paniniwala at gawi ng lipunan. Kinalaunan, sa pangunguna ng mga
edukado, isinantabi nila ang mga halagahin at paniniwalang pinairal ng Simbahan at ibinaling nila ang kanilang
atensyon sa kadakilaan ng nagdaang sibilisasyon ng Greece at Rome. Ang panahong 1300-1600 ay kakikitaan
ng napakataas na antas ng malikhaing pag-iisip sa mga Europeano. Ito ang tinatawag na Renaissance.
Ang salitang Renaissance ay hango sa salitang Pranses na nangangahuluga ng “muling pagsilang” o rebirth.
Layunin nito na muling ibalik ang kadakilaan ng kulturang Greco-Romano sa pamamagitan ng
pagpapanumbalik ng mga karunungang klasikal at pagbibigay-halaga sa mga gawa at kakayahan ng tao sa
aspeto ng sining, agham, literatura at panitikan.
Ang Italya ay matatagpuan malapit sa Dagat Mediterranean. Dito karaniwang dumadaong ang mga barkong
nagdadala ng bagong produkto. Malaki ang paghanga ng mga taga-Europa sa Italya dahil dito nagsimula ang
ilang mahalagang pag-aaral at pagtuklas kaya naging sentro ito ng pag-usbong ng Renaissance.
Sa panahong ito muling pinatili at pinanumbalik ang mga sinaunang kulturang klasikal ng Gresya at Roma, na
nakapagdulot ng sigla sa kaisipan ng Europa at nagbigay daan sa maraming pagbabago sa larangan ng sining,
arkitektura, agham at eskultura. Umunlad din ang kanilang agrikultura bunga ng pagbabago sa kagamitan at
pamamaraan sa pagtatanim.
Naging inspirasyon din ang Renaissance sa mga mangangalakal dahil naging maunlad ang ekonomiya at sa
larangan ng eksplorasyon binigyang sigla ang mga manlalakbay na galugarin ang mundo na kung saan naitatag
ang mga bagong imperyo ng Europeong mananakop. Sa panahong ito nabuhay muli ang interes ng mga
mamamayan sa kalikasan ng tao. Naglabasan ang mga taong may taglay na kakayahan. Nabuksan ang isipan ng
mga tao na gamitin ang kanyang abilidad at talento sa pagtuklas ng mga bagay-bagay at nagresulta ng mga
ambag na napakinabangan ng lipunan.
Mga Salik sa Pagsibol ng Renaissance sa Italya
Isa sa pinakamahalagang salik ng pagsibol ng renaissance sa Italya ay ang kinaroonan nito. Sa mapa ng daigdig,
matatagpuan ang Italya sa pagitan o dakong gitna ng Kanlurang Europa at Kanlurang Asya. Dahil sa magandang
lokasyon nito, nagkaroon ng bentahe ang mga lungsod-estado ng Italya na sa panahong iyon, ang
pinakamayaman sa Europa, na nagkaroon ng pagkakataon na makipagkalakalan sa mga bansa sa Kanlurang
Asya at Kanlurang Europa. Nakatulong din ang kinaroonang sentral ng Italya sa pagtanggap ng iba’t- ibang
kaisipan mula sa Kanluran at Silangan. Nabigyang- sigla ang kanilang pagnanasang mapanumbalik ang
tagumpay ng kabihasnang klasikal ng sinaunang Roma. Mahalagang papel ang ginampanan ng mga unibersidad
sa Italya, naitaguyod at napanatiling buhay ang kulturang klasikal at ang mga teolohiya at pilosopiyang
kaalaman ng kabihasnang Griyego at Romano. Sa pagkakaroon ng malayang pag-aaral sa unibersidad, naging
praktikal ang mga tao sa kanilang pananaw sa buhay at mas naging malaya sa paglinang ng kanyang mga
kakayahan at kagustuhan. Higit na hinangad ng mga tao ang lubos na kasiyahan sa kasalukuyang –buhay.
Ang Humanismo
Ang Humanismo ay isang kilusang intelektuwal na naniniwalang dapat pagtuunan ng pansin ang klasikal na
sibilisasyon ng Gresya at Roma. Ito ay pinangunahan ng mga Humanista. Sila ay mga iskolar na nanguna na
muling maibalik ang karunungang klasikal sa pamamagitan ng pag-aaral ng wikang Latin at Greek, Retorika,
Kasaysayan, Pilosopiya, Musika, Matematika, at Agham.
Ang kilusang ito ay hindi laban sa Kristiyanismo, manapa, ipinadadama nito na hindi lamang ang paghahanda
sa sarili sa susunod na buhay ang pangunahing tungkulin sa mundo. Kundi, dapat din hangarin ng tao ang lubos
na kasiyahang pangkasalukuyan. Sa larangan naman ng sining at panitikan, sa halip na sumusunod sa istilo na
ginagawa noong panahong midyibal, ikinintal ang makabagong pamamaraan sa pagpinta at pagsulat, binigyan
daan ang realismo, perspektiba at kariktan sa panitikan.
Mga Ambag ng RenaissanceMga Humanista Kontribusyon