Ang pagsasagawa ng rebyu para sa isang aklat ay kinatatampukan ng pagkilatis sa kalakasan at kahinaan ng aklat . Kung nobela ang ang sinusuri , mahalagang mabigyang pansin ang sumusunod :
1. Paksa – Mainam kung kawili-wili at makabuhan ang paksa upang hindi masayang ang oras na ilalaan sa pagbabasa . Bagamat magkakaiba ang interes ng bawat tao , may mga aklat na naisulat upang taglayin ang mga unibersal na paksang magugustuhan ng sinuman . Kung nagtataglay ng mga mahahalagang kaisipang makatutulong sa buhay ang isang akda , higit na magiging makabuluhan ang pagbabasa .
2. Pagsusuri sa mga Tauhan – Ang lalim o lawak ng kaisipan ng akda ay nasusukat sa paglalarawan ng mga tauhan magmula sa pisikal na anyo , ideolohiya sa buhay at mga diyalogong kanyang binibitawan . Nararapat na angkop sa tauhan ang kanyang kilos at sambit batay sa kung siya ba ay protagonista, antagonista o nasa pagitan.
3. Gamit ng Wika – Ang mahusay na paggamit ng wika ay nakatutulong upang madaling maunawaan ang nilalaman ng akda batay sa target na mambabasa nito . Isa ito sa tinitingnan ng nagrerebyu batay sa kawastuhan ng balarila at linaw ng paglalahad.
4. Daloy ng Naratibo – Binibigyang-diin nito ang maayos na pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa akda . Pinapansin din kung mahusay ang paggamit ng mga literary device gaya ng forshadowing , flashback, streams of consciousness, mga simbolismo at iba pa.
5. Tunggalian – nagbibigay ng pananabik sa mambabasa ang uri ng tunggalian at paraan kung paano ito inilahad sa akda . Depende sa genre ng akda , ang isang makatotohanang tunggalian ay mas katanggap-tanggap sa mambabasa .
6. Resolusyon – Bagamat hindi lahat ng tunggalian sa nobela ay nabibigyan ng resolusyon , mainam pa rin kung ang akda ay may malinaw na paglalahad kung paano wawakasan ang akda . Kung mahusay ang paksa , tama lamang na mabigyan diin ito ng mahusay na pagsasara sa nobela . Kung maraming naiwang tanong , posibleng tingnan na nalugi o nadaya ang mambabasa sapagkat napagkaitan siya ng isang mahusay na wakas.