bilis ang karne, buto na lamang ang naiwan sa parte ni Loki ngunit ni walang butong natira sa parte ni Logi. Kaya’t
malinaw na natalo si Loki sa nasabing labanan.
Sumunod na paligsahan naman ang pabilisan sa pagtakbo na nilahukan ng batang si Thjalfi laban sa bata rin na si
Hugi. Sa unang paglalaban, masyadong malayo ang agwat ni Hugi. Inulit ito nang tatlong beses ngunit hindi talaga
maabutan ni Thjalfi si Hugi.
Tinanong ni Utgaro-Loki si Thor kung anong kakayahan naman ang ipakikita nito. Sinabi nitong gusto niyang
subukin ang labanan sa pabilisan ng pag-inom. Kaya’t tinawag ni Utgaro-Loki ang cupbearer na dala-dala ang tambuli na
madalas inuman ng mga panauhin.
“Isang mahusay na manginginom ang makauubos nito sa isang lagukan, ang iba ay kaya ito ng dalawa ngunit
kadalasan ay nauubos ito nang tatlong lagukan,” sabi ng pinuno ng mga higante.
Hindi pinansin ni Thor ang sukat ng tambuli dahil siya ay uhaw na uhaw. Nilagok niya nang malaki ang lalagyan
ngunit hindi na siya makahinga kaya’t nang tingnan ang lalagyan ay parang wala pa ring nabawas. Ganito rin ang
nangyari sa ikalawang lagok.
Sinabi ni Utgaro-Loki “Kailangan mong lagukin itong lahat sa pangatlong pagkakataon. Tingin ko ay hindi ka
kasinlakas ng inaasahan ko.” Nagalit si Thor kaya’t ininom ang alak gamit ang lahat ng lakas ngunit tila wala pa ring
nabawas sa laman ng tambuli kaya’t binitiwan ito hanggang sa matapon lahat ng laman.
“Ipinakikita lamang na ang lakas mong taglay ay hindi kasintindi tulad ng aming iniisip. Gusto mo pa bang
subukin ang iba pang uri ng pakikipaglaban?” tanong ni UtgaroLoki. “Anong labanan ang maimumungkahi mo?” sagot ni
Thor.
“Isang laro na paborito ng kabataan dito buhatin ang aking pusa mula sa lupa.” Isang abuhing pusa ang
lumundag sa lupa. Malaki ito ngunit hinawakan ni Thor ang palibot ng tiyan nito at sinubok na itaas gamit ang lahat ng
lakas. Ngunit paa lamang ng pusa ang naiangat ni Thor.
“Tapos na ang labanang ito tulad ng aking inaasahan, walang laban si Thor sa aking malaking pusa, ano pa kaya
sa malalaking tao rito?” wika ni Utgaro-Loki. “Tawagin mo na akong maliit kung gusto mo pero tumawag ka ng sinumang
makikipagbuno sa akin, galit na ako ngayon,” sabi ni Thor.
“Wala akong alam na gustong makipagbuno sa iyo ngayon pero hayaan mong tawagin ko ang aking kinalakihang
ina, ang matandang si Elli. Siya ang labanan mo ng wrestling, marami na siyang pinatumbang mga lalaki na tulad mong
malakas.”
Hindi na dapat pahabain pa ang kuwento, habang gamit ni Thor ang kaniyang buong lakas lalo lamang matatag
ang matandang babae hanggang mawalan ng balanse si Thor. Pumagitna si Utgaro-Loki at sinabing itigil na ang labanan.
Hindi na kailangang makipagbuno pa ni Thor kaninuman sa tagapaglingkod. Malalim na noon ang gabi kaya’t sinamahan
sila ni Utgaro-Loki kung saan sila makapagpapahinga at inasikaso nang maayos.
Kinaumagahan, si Thor at ang kaniyang mga kasamahan ay nagbihis at humanda na sa paglalakbay. Hinandugan
sila ni Utgaro-Loki nang masaganang agahan. Sa kanilang paghihiwalay tinanong ni Utgaro-Loki si Thor kung ano ang
naiisip nito sa kinalabasan ng kanilang paglalakbay at kung may nakilala ba itong lalaki na higit na malakas kaysa kaniya
(Utgaro-Loki). Sumagot si Thor na hindi niya maikakaila na nalagay siya sa kahihiyan sa kanilang pagtatagpo at marahil
iniiisip nito na siya ay walang halaga at hindi niya ito gusto.
Sinabi ni Utgaro-Loki, “Ngayong palabas ka na sa aking kuta ay ipagtatapat ko sa iyo ang katotohanan, kung ako
ay mabuhay at may kontrol sa mga mangyayari, hindi mo na kailangang bumalik pa ritong muli. Sa aking salita, ni hindi
ka makakapasok dito kung alam ko lang kung gaano ka kalakas, muntik ka nang magdulot ng kapahamakan sa aming
lahat. Ngunit nilinlang kita gamit ang aking mahika. Noong una tayong magkita sa kakahuyan agad kitang nilapitan at
nang tangkain mong alisin ang pagkakatali ng bag hindi mo ito nagawa dahil binuhol ko ito ng alambre. Pagkatapos noon
hinampas mo ako ng iyong maso nang tatlong ulit. Ang una ay mahina pero kung umabot ito sa akin ay patay na ako.
Nang makita mo ang burol na tila upuan ng kabayo malapit sa aking kuta kung saan naroon ang tatlong kuwadradong
lambak, ang isa ay napakalalim, ito ang marka ng iyong maso. Inilagay ko talaga ang burol na hugis kabayo sa harap ng
iyong mga hampas pero hindi mo ito nakita. Gayun din ang nangyari nang magkaroon ng paligsahan laban sa aking mga
tagapaglingkod. Ang una, nang kainin nang mabilis ni Loki ang mga hiniwang karne sa sobrang kagutuman pero ano ang
laban niya kay Logi na tulad ng mapaminsalang apoy na kayang sunugin ang kakahuyan. At si Thjalfi na lumaban ng
takbuhan sa tinatawag naming Hugi, siya ay lumaban sa aking kaisipan. Walang makatatalo sa bilis ng aking kaisipan. At
noong ikaw naman ay uminom mula sa tambuli inakala mo na ikaw ay mabagal. Sa aking salita, anong himala na ang
dulo ng tambuli ay nakakabit sa dagat pero hindi mo ito nakita pero tingnan mo ang dagat halos masaid ang tubig nito.
Hindi rin kamangha-mangha sa akin nang maiangat mo ang paa ng pusa sa lupa, pero para sabihin ko sa iyo ang totoo
ang lahat ng nakasaksi nito ay nahintakutan. Ang pusang iyon ay hindi totoong pusa kundi isang Miogaro, isang ahas na
ang haba ay sapat na upang yakapin ang daigdig ng kaniyang ulo at buntot. Iniangat mo ito nang mataas halos abot
hanggang langit. Kamangha-mangha rin nang makipagbuno ka nang matagal at napaluhod ng isang tuhod lamang sa
iyong pakikipaglaban kay Elli na wala kahit sino mang makagagawa niyon. At ngayon tayo ay maghihiwalay mas
makabubuti para sa ating dalawa na tayo’y di na muling magkita. Ipagpapatuloy ko ang pagtatanggol sa aking kuta gamit
ang aking mahika o anumang paraan upang hindi manaig ang iyong kapangyarihan sa akin.
Nang marinig ito ni Thor kinuha niya ang kaniyang maso upang ipukol ngunit wala na si Utgaro-Loki. Sa kaniyang
paglingon wala na rin ang kuta kundi isang malawak lamang na kapatagan. Muli siyang lumisan at ipinagpatuloy ang
kaniyang paglalakbay hanggang sa makabalik sa Thruovangar, ang mundo ng mga diyos.